Binatikos ng isang constitutional law expert ang mabagal na paglalabas ng desisyon ng Korte Suprema sa ilang mahahalagang usaping legal matapos ibasura ang petisyon ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng naging proseso ng impeachment sa Kamara dahil moot and academic na ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, sinabi nitong ilang buwan nang nakabinbin ang naturang petisyon, kaya nang makapaglabas na ng desisyon ang Korte Suprema ay nagsimula na ang paglilitis sa impeachment court, dahilan upang mawalan na ito ng saysay.
Aniya, isa itong halimbawa ng mabagal na pagresolba ng Korte Suprema sa mga kasong nangangailangan ng agarang pagpapasya.
Ayon kay Atty. Cayosa, kapag naaantala ang mga mahahalagang desisyon ng Korte Suprema ay naaapektuhan hindi lamang ang mga sangkot na partido kundi maging ang mga law enforcement agencies at iba pang ahensiya ng gobyerno na naghihintay ng malinaw na legal na gabay bago kumilos.
Kaugnay nito, nanawagan si Atty. Cayosa sa Korte Suprema na pabilisin ang pagresolba sa iba pang mahahalagang kasong may malaking epekto sa publiko upang mabigyan ng malinaw na direksyon ang mga kinauukulang ahensiya at maiwasan ang pagkaluma o pagkawala ng saysay ng mga isyung kanilang dinidinig.
Samantala, sa nagpapatuloy naman na impeachment trial laban kay Vice President Duterte, iginiit ng abogado na nananatiling mahalagang maipaliwanag ang paggamit ng confidential funds, lalo na ang paggamit umano ng mga fictitious o code names sa mga resibo.
Aniya, kahit alias o code name ang ginamit, obligasyon pa ring patunayan ng gumamit ng pondo na may tunay na taong tumanggap ng naturang pondo kapag ito ay kinuwestiyon ng Commission on Audit.
Binigyang-diin pa ni Atty. Cayosa na hindi sapat na sabihing confidential o intelligence fund ang ginamit dahil pampublikong pondo pa rin ito na kinakailangang maipaliwanag nang maayos.
Dagdag pa niya, nananatili ring mahalagang masagot kung bakit gumamit ng confidential funds sa mga gastusing hindi naman umano saklaw ng layunin ng naturang pondo.











