Hindi pasado para sa isang constitutionalist at law lecturer ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inihatid kamakailan sa Batasang Pambansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, constitutionalist at law lecturer, sinabi niya na bagama’t maraming magagandang punto at makabagbag-damdaming pahayag ang Pangulo sa kanyang talumpati, hindi umano nito ganap na natugunan ang tunay na layunin ng SONA batay sa itinadhana ng Konstitusyon.
Ayon kay Yusingco, ang SONA ay hindi lamang dapat magsilbing ulat ng mga nagawa ng administrasyon kundi pagkakataon din upang ilahad ng Pangulo ang malinaw na direksiyon, plano, at legislative agenda ng pamahalaan para sa mga susunod na taon. Aniya, inaasahan ng publiko na marinig ang kongkretong plano ng ehekutibo at lehislatura upang tugunan ang mga pangunahing suliranin ng bansa.
Ipinaliwanag niya na mahalagang bahagi ng SONA ang paglalatag ng mga panukalang batas at repormang nais isulong ng administrasyon upang magsilbing gabay sa Kongreso sa pagbalangkas at pagpapatupad ng mga kinakailangang programa para sa mamamayan.
Gayunman, sinabi ni Yusingco na hindi niya nakita ang sapat na pagtalakay sa mga naturang usapin sa talumpati ng Pangulo. Aniya, marami pa ring mahahalagang aspeto ng pamamahala at mga problemang kinahaharap ng bansa ang hindi nabigyan ng sapat na pansin.
Dahil dito, sinabi niyang bagama’t naging epektibo ang talumpati bilang isang political speech, hindi ito nakapasa sa kanyang pamantayan bilang isang State of the Nation Address na nakabatay sa diwa at layunin ng Konstitusyon.
Kung bibigyan umano niya ng grado ang Pangulo sa iskala na isa hanggang sampu, anim lamang ang maibibigay niya rito. Gayunman, kinilala niya ang ilang positibong panukalang binanggit sa talumpati, kabilang ang planong alisin ang system loss charge sa singil sa kuryente at ang mga hakbang na naglalayong mabawasan ang pasanin ng mga mamamayan sa pagbabayad ng buwis.
Aniya, bagama’t may mga magagandang panukalang inilahad ang Pangulo, mas mahalaga pa rin ang malinaw na plano at mekanismo kung paano maisasakatuparan ang mga ito upang maramdaman ng publiko ang tunay na epekto sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.











