CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang construction worker dahil sa paratang na panggagahasa ng apat na beses sa batang kapatid ng kanyang live-in partner.
Ang dinakip ay si alyas Rodel, residente ng Soyung, Echague Isabela habang ang biktima ay si alyas Ana, 11 anyos at residente ng isang barangay sa Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Rommel Cansejo, hepe ng Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO) sinabi niya na nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa isang barangay kagawad tungkol sa insidente ng panggagahasa sa kanilang lugar.
Agad namang nagtungo sa barangay ang mga kasapi ng Presinto Uno at naaresto ang suspek.
Una rito, nagsumbong ang bata sa kanyang ate na ginahasa siya ng suspek ng apat na beses sa kanilang bahay.
Pinagbantaan umano siya ng pinaghihinalaan na siya ay papatayin kapag siya ay nagsumbong.
Humingi ng tulong ang ate ng biktima sa mga opisyal ng kanilang barangay na siyang nagparating sa impormasyon sa Station 1.
Ayon kay PCapt. Cansejo, pinagsasamantalahan ng suspek ang bata tuwing iniiwan sila ng kanyang ate kasama ang isang pamangkin.
Pinaalalahanan ni PCapt Cansejo ang mga magulang na tingnan ang kapakanan ng kanilang mga anak upang masiguro ang kanilang kaligtasan lalo na at patuloy ang pagtaas ng kaso ng panggagahasa sa Santiago City.












