
CAUAYAN CITY – Patay na nang idating sa ospital ang isang construction worker matapos maatrasan ng dumptruck habang natutulog sa Jess Paloma Compound sa Balintocatoc, Santiago City.
Ang biktima ay si Plasidio Basconcillo Jr., 43 anyos at residente ng Divisoria, Santiago City habang ang tsuper ng dumptruck ay si Jigger Pasilan, 47 anyos at residente ng Dibuluan, Jones, Isabela.
Sa pagsisiyasat ng Traffic Group, magtatambak sana ng lupa ang dumptruck sa lugar kung saan natutulog ang biktima.
Sinabi ni Pasilan na hindi niya alam na may taong natutulog sa ilalim ng punong kahoy.
Umatras ang dumptruck sa direksyon ni Basconcillo at nasagasaan ang malaking bahagi ng kanyang katawan.
Nang tumingin ang tsuper sa side mirror ng dumptruck ay nabigla siya nang mapansin ang nakahandusay na biktima.
Agad na tumugon ang Rescue 1021 at naitakbo pa sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.
Sasampahan ng kasong Reckless imprudence Resulting in Homicide si Pasilan na nasa pangangalaga ng Traffic Group sa Santiago City.










