--Ads--

CAUAYAN CITY- Patay ang isang lalaki matapos bumangga sa concrete barrier ang minamaneho niyang motorsiklo sa pambansang lansangan na bahagi ng Brgy. Magassi, Cabagan, Isabela.

Ang nasawi ay si Charles Kenneth, nasa hustong gulang, construction worker at residente ng Brgy. Baculud, City of Ilagan, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSsgtT. Omar Albano, imbestigador ng Cabagan Police Station kanyang sinabi na pauwi na sana ang biktima mula sa kanyang pinagtatrabahuan sa bayan ng Sto. Tomas, nang mangyari ang insidente.

Aniya ayon sa mga kasama ng biktima posibleng nagmamadali ang biktima dahil araw ng sweldo nang maganap ang aksidente.

--Ads--

Pakurba din umano ang kalsada kaya’t posibleng hindi napansin ng driver ang concrete barrier kaya’t nangyari ang pagsalpok na nagresulta sa kanyang pagkasugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Sinubukan pa siyang itakbo sa pagamutan subalit idineklara na siyang dead on arrival ng kanyang attending physician.

Maituturing naman umanong accident prone area ang lugar dahil sa dalas na may maitalang aksidente dito.