CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang construction worker matapos makuryente habang nagbabarena sa isang ipinapatayong gusali sa barangy Plaridel, Santiago City.
Ang nasawi ay si Jeremy Manson, 27 anyos at residente sa Plaridel, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Station 2 ng Santiago City Police Office (SCPO) nakatanggap sila ng tawag ang hinggil sa nasabing pangyayari sa ginagawang gusali.
Sa imbestigasyon ng pulisya ay lumalabas na nakuryente ang biktima dahil dumikit ang open wire mula sa ginagawa nilang improvised extention wire sa metal scaffolding na tinutuntungan ng bikitma habang nagbabarena.
Wala umanong suot ng tsinelas ang biktima habang nagbabarena dahil siya ay pasmado.
Agad namang tinanggal ang saksakan ng extension wire at dinala sa ospital si Manson ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Nagpasya ang pamilya ni Manson na makipag-ayos na lamang sa may-ari ng gusali at hindi na nagsampa ng kaso.
Nagpaalala ang mga otoridad na ugaliiang magsuot ng protective gear lalo na sa ganitong uri ng trabaho upang maiwasan ang kapahamakan.