CAUAYAN CITY – Isinailalim sa swab test ang ilang pulis mula sa Camp Lt. Rosauro D. Toda Jr. sa Lunsod ng Ilagan matapos na magpositibo sa COVID- 19 ang isang pulis.
Mula sa Enrile, Cagayan ang nagpositibong pulis at nakatalaga sa Provincial Investigation Unit ng Camp Lt. Rosauro D. Toda Jr..
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Provincial Information Office, kinumpirma ni Atty. Elizabeth Binag na nagpositibo sa COVID-19 ang pulis ngunit hindi pa matiyak kung ilan ang maaaring nahawaan nito dahil kasalukuyan pa ang contact tracing sa kanyang mga nakasalamuha.
Hinihinalang nahawa ang pulis sa kanyang asawa na una nang nagpositibo sa virus.
Sumailalim na sa quarantine na ang ilang pulis at ilang kawani ng Camp Lt. Rosauro D. Toda Jr. na nakasalamuha ng nagpositibong pulis.
Maging si Provincial Director PCol James Cipriano ay sumailalim sa swab test.
Hinihintay pa ang resulta ng isinagawang swab test sa mga PNP personnel at sa ngayon ay mahigpit ang pagpapatupad ng mga health Protocols sa loob ng kampo.
Kinumpirma rin ng City Inter-Agency Task Force (CIATF) ang pagpopositibo sa virus ng isang Non-Uniformed Personnel (NUP) ng Camp Lt. Rosauro D. Toda Jr.
Ayon kay CIATF Focal Person Ricky Laggui, isinailalim na sa swab test ang mga hinihinalang direct contact ng NUP.











