Ipinag-utos ng Court of Appeals ang pag-freeze sa mga ari-arian ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo at ng kanyang anak na si Sunshine Bernardo, matapos matukoy ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang kahina-hinalang galaw sa kanilang mga transaksyong pinansyal.
Sakop ng freeze order ang anim na bank accounts ni Sunshine at walong insurance policies na nakapangalan kay Roberto, Sunshine, at dalawa pang indibidwal.
Ayon sa AMLC, biglang lumobo ang pondo sa mga account ni Sunshine mula 2023 hanggang 2025, kabilang ang ₱1.2M withdrawal, ₱5.6M na tseke, at ₱7.85M cash deposits.
Tinukoy ng AMLC na hindi proporsyonal ang naturang halaga para sa isang pribadong indibidwal na walang matatag na financial history.
Nakita rin ang posibleng pagtatangkang magtago ng audit trail sa mga transaksyon.
Kasama sa imbestigasyon si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at dating Undersecretary Catalina Cabral.
Ayon sa ulat, si Cabral umano ang naglalaan ng budget ceilings sa National Expenditure Program (NEP) at nagtatabi ng malaking bahagi para sa mga “preferred projects” ni Bonoan.
Si Bernardo naman ang nagma-manage ng mga alokasyon, na umabot ng hanggang ₱5B kada taon (2023–2025).
Ayon sa AMLC, may 15% kickback sa mga proyektong ito, kung saan 25% napupunta kay Bernardo at ang natitira ay hinahati nina Bonoan at Cabral.
Nakaugnay sina Bernardo, Bonoan, at Candaba Mayor Rene Maglanque sa MBB Global Properties Corp., na umano’y nagsilbing daluyan ng pondo mula sa Globalcrete Builders, kompanya ni Maglanque na nakakuha ng bilyon-bilyong kontrata mula 2023–2024.











