--Ads--

CAUAYAN CITY – Bahagyang bumaba ang bilang ng mga pasyente sa COVID ward ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na simula noong Biyernes ay tuluy-tuloy ang pagbaba ng mga pasyente sa COVID-19.

Aniya, noong Miyerkules at Huwebes ay umabot sa mahigit 200 ang pasyente kaya kinailangan nilang magdagdag ng isolation room.

Kalahati rito ay mild at asymptomatic habang ang kalahati ay may mga sintomas.

--Ads--

Sa kabila nito ay hindi pa rin sila nagiging kampante dahil maaring sa mga susunod na araw ay may mga darating na referral sa kanila.

Sinabi ni Dr. Baggao na 60% sa mga pasyente ngayon sa kanilang COVID ward ay hindi bakunado kaya muli niyang hinikayat ang publiko na magpabakuna na.

Dagdag niya na mayroon din silang mga COVID-19 patient na nasasawi na senior citizen at may commorbidities.

Samantala, ang 79 na personnel nilang nagpositibo sa COVID-19 ay asymptomatic at karamihan ay na-discharge na kahapon.

Samantala, sinabi ni Dr. Baggao na sinuspindi muna nila ang operasyon ng Out-Patient Department (OPD) ng CVMC para maiwasan ang face-to-face consultation.

Aniya, pansamantalang itatalaga sa COVID ward ng pagamutan ang mga staff ng naturang departamento.