CAUAYAN CITY– Nagkakaroon na ng backlog ang COVID-19 testing center ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City sa Cagayan
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na magmula ng magsimulang mag-operate ang COVID-19 testing center ng CVMC ay nagdagsahan na ang specimen na dumating.
Dahil dito, nagkaroon na ng backlog ang naturang testing center na aabot sa mahigit 1,000.
Ayon kay Dr. Baggao, ang mga lalawigan ng Isabela at Cagayan ang may pinakamaraming specimen na ipinapadala.
Bukod dito ay mayroon ding galing sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino maliban pa sa Apayao, Kalinga, at ilang bahagi ng Cordillera Admistrative Region (CAR).
Sa kabila nito ay tiniyak ng doktor na hindi magkakaroon ng problema sa paglalabas ng resulta ng mga specimen dahil nagkakaroon ng double checking bago ito ilabas.
Prayuridad naman nila ngayon ang mga frontliners, mga vulnerable persons at ang mga naka-confine na pasyente.
Sinabi pa ni Dr. Baggao na kung masusunod lamang ang tamang proseso ng paglalabas ng resulta ng mga specimen ay aabot lamang ito sa 24 oras hanggang 48 oras.
Sa ngayon ay dalawang machine pa lamang ang kanilang ginagamit at 200 hanggang 300 kayang tugunan ng bawat machine.
Umaasa naman sila sa pangako ng DOH na magbibigay pa sila ng isang machine kapag nagsimula ng mag-operate ang testing center ng CVMC.











