Nasawi ang isang 21-anyos na cum laude graduate matapos mabagsakan ng malaking sanga ng puno ang sinasakyan niyang motorsiklo, na minamaneho ng kanyang ama, sa Barangay Siblong, Bucay, Abra noong Martes, Hulyo 7.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Winche Baño, na kakatapos lang ng kursong Bachelor of Secondary Education major in Science sa University of Abra-Lagangilang Campus. Siya ay patungo sana sa kanyang review class nang maganap ang trahedya.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, biglang nabali ang malaking sanga ng isang fire tree at direktang tumama sa mag-ama. Bagaman kapwa sila nakasuot ng helmet, nawasak ang proteksyon sa ulo ni Baño dahil sa lakas ng impak na nagdulot ng matinding pinsala sa kanyang ulo. Nagtamo naman ng mga galos at bahagyang sugat ang kanyang ama.
Ayon kay Police Capt. Miguel Cawi Jr., pinuno ng Bucay Municipal Police Station, tuyo at patay na ang naturang puno kaya madali nang bumigay ang mga sanga nito.
Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit binawian din ito ng buhay.
Bumuhos ang pakikiramay mula sa mga kaibigan at kaklase ng pumanaw na dalaga, na kilala bilang isang masipag at matalinong estudyante na nangarap maging guro. Kasabay nito, nanawagan din ang publiko sa pamahalaan na putulin ang mga delikadong puno sa tabi ng mga kalsada upang hindi na muling masundan ang ganitong sakuna.











