--Ads--

Nasa pitong hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nakasagupa ng mga sundalo ng 50th Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Dulao, Malibcong, Abra, nitong Biyernes ng gabi, Nobyembre 20.

Ayon sa Malibcong Municipal Police Station, nagpapatrolya ang mga sundalo nang makasagupa ang armadong grupo na pinaniniwalaang kabilang sa Ilocos-Cordillera Regional Committee ng NPA.

Natapos ang engkuwentro dakong alas-6:18 ng gabi at walang naiulat na nasawi o nasugatan sa magkabilang panig.

Naglatag ang militar ng mga blocking position upang mapigilan ang pagtakas ng grupo, subalit pansamantalang sinuspinde ang operasyon pagsapit ng gabi. Wala pa ring kumpirmasyon kung ipinagpatuloy na ito.

--Ads--

Pinayuhan naman ng mga otoridad ang mga residente na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan kapag may engkuwentro at agad na iulat sa pulisya ang anumang impormasyong may kaugnayan sa kinaroroonan ng mga armadong grupo.

Matatandaang noong Agosto 2026, tatlong hinihinalang miyembro ng NPA ang nasawi sa engkuwentro sa pagitan ng militar at nasa sampung armadong indibidwal sa Licuan-Baay, Abra.