Hindi na angkop ang custodial facility sa loob ng Camp Crame para sa mga high-profile na preso ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Inihayag ito ng PNP chief matapos hilingin ni Senador Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan na mailipat siya sa PNP Custodial Center mula sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas.
Kasalukuyang nakapiit ang senador dahil sa mga kasong plunder at graft na nagkakahalaga ng ₱573 milyon kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Inatasan na ni Nartatez ang PNP Legal Service na pormal na ipaliwanag sa korte na hindi na kakayanin ng pasilidad ang pagtanggap ng mga kilalang personalidad.
Ipinaliwanag ng opisyal na nagpapasalamat sila sa tiwala ng senador ngunit nangangailangan ng mas malaking pondo at dagdag na tauhan para sa seguridad ng mga high-profile detainees.
Bukod dito, may plano na rin si Interior Secretary Jonvic Remulla na ayusin at gawin nang mga bagong opisina ng ahensya ang naturang pasilidad dahil sa kakulangan sa espasyo sa Camp Crame.
Umaasa naman ang pamunuan ng pulisya na mauunawaan at igagalang ng korte ang kanilang panig ukol sa usaping ito.











