CAUAYAN CITY– Muling nagpaalala ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center sa publiko na iwasan ang paggamit ng mga paputok sa pagsalubong ng bagong taon kasunod na rin ng pagkakatala nila sa kauna unahang pagkakataon ng zero casualty sa paputok sa katatapos na pagdiriwang ng pasko.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC na 24 oras ang kanilang operasyon at inihahanda na nila ang pagsalubong ng bagong taon.
Nagpaalala sa publiko si Dr. Baggao na iwasan ang paggamit ng mga paputok sa pagsalubong ng taon at gumamit na lang ng makalumang tradisyon sa pagsalubong ng bagong taon tulad ng pagpapa-ingay ng mga kaldero, planggana at pagpapaandar ng mga sasakyan
Magandang balita anya dahil noong pagdiriwang ng pasko ay nagtala ng kauna-unahang zero casualty ang CVMC may kaugnayan sa fire cracker related incidents at hanggang ngayong araw ay zero casualty pa rin.
Tiniyak naman ni Dr. Baggao na nakahanda ang pagamutan pangunahin na sa mga kagamitan at gamot para sa pagsalubong ng bagong taon..
Samantala, inihayag naman ni Dr. Baggao na kapag mayroong sintomas ng virus at galing sa mga mayroong history of travel ang sinumang biktima ng mga paputok ay sasailalim sa swab test.




