--Ads--

Nakalatag na ang mga hakbang ng Department of Agriculture (DA) para harapin ang banta ng El Niño at maprotektahan ang sektor ng agrikultura mula sa matinding init at kakulangan sa tubig.

Sinabi ni PCO Undersecretary Claire Castro na hindi na bago ang El Niño sa bansa kaya maagap nang kumikilos ang pamahalaan upang mabawasan ang epekto nito sa mga magsasaka at suplay ng pagkain.

Inatasan na ang National Irrigation Administration (NIA) na tukuyin ang mga lugar na posibleng maapektuhan ng kakulangan sa tubig, kabilang ang mga sakop ng Magat Dam at UPRIIS at iba pang irrigation systems.

Kasama rin sa plano ang mas detalyadong pagmamapa ng mga rainfed na sakahan upang matukoy ang mga lugar na pinaka-bulnerable. Pinangungunahan ito ng PhilRice, katuwang ang BSWM at mga regional offices ng DA para sa mas mabilis na pagtukoy ng mga lugar na nangangailangan ng agarang tulong.

--Ads--

Tiniyak ng pamahalaan na tuloy-tuloy ang koordinasyon ng mga ahensya upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at matiyak ang suplay ng pagkain sa gitna ng El Niño.