CAUAYAN CITY – Isinailalim sa limang araw na lockdown ang Department of Agriculture (DA) region 2 at mga research center at experiment stations nito dahil sa tatlong empleado na nagpositibo sa COVID-19.
Nagsimula ito ngayong araw, ika-12 ng Oktubre at magtatapos sa Biyernes, ika-16 ng Oktubre.
Ayon kay Regional Executive Director Narciso Edillo, ang pagpapatupad nila ng lockdown ay aprubado ito ni Agriculture Secretary William Dar.
Layunin ng hakbang na maiwasan ang pagkalat ng virus at pagkakahawa ng ibang mga empleyado.
Magkakaroon ng massive disinfection sa mga pasilidad para maging ligtas pagbalik ng mga empleyado at maging sa mga dumarating na kliyente.
Sa kabila nito ay magkakaroon pa rin ng skeletal force ang tanggapan kaya tuluy-tuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa kanilang mga kliyente.
Nakiusap si Regional Executive Director Edillo ng DA region 2 sa mga tanggapan, indibidual o grupo ng mga magsasaka, lokal na pamahalaan at iba pang partido na kung may mga transaksiyon sa DA ay maaaring isumite na lang muna sa pamamagitan ng email, itawag o i-text sa pamunuan ng ahensiya.












