Isinusulong ng Department of Agriculture Region 2 ang pagtatayo ng Ube Powder Processing Facility sa Echague, Isabela, upang mapalawak ang produksyon ng ube at matugunan ang lumalaking demand sa export market.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rose Mary Aquino, Regional Executive Director ng DA Region 2, sinabi niyang layunin ng pasilidad na makapagproseso ng ube powder para sa bultuhang suplay na maaaring i-export sa ibang bansa.
Sa ngayon, may inisyal nang 20 ektarya na nakalaan para sa proyekto, na bahagi ng planong magkaroon ng 100 hanggang 500 ektaryang taniman ng ube sa Echague.
Batay sa soil analysis na isinagawa ng DA, ang lugar ay angkop sa pagtatanim ng ube, kabilang ang ube kinampay na kilala sa matingkad nitong kulay.
Bagaman isa na sa top 5 producing regions ng ube ang Lambak ng Cagayan, mas paiigtingin pa ng Department of Agriculture Region 2 ang pagpapalawak ng produksyon nito para sa export market upang masigurong matutugunan ang lumalaking pangangailangan ng international market.
Inaasahang sa taong 2027 ay ganap nang maaprubahan ang proyekto para sa pagtatayo ng Ube Powder Processing Facility sa Echague, na magsisilbing consolidator ng ube mula sa iba’t ibang bayan sa rehiyon.











