CAUAYAN CITY – Sumailalim sa drug test ang daan-daang indibidwal sa Ilagan City bilang bahagi ng isinusulong na kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pastor Victor Serquiña, kasapi ng City Anti Drug Abuse Council (CADAC) Advisory Council, sinabi niya na sa pangunguna ng Isabela Provincial Crime Laboratory Office ay boluntaryong nagpa-drug test ang mga residente sa pamamagitan ng urine drug test.
Bagamat wala pang resulta ang isinagawang pagsusuri ay nakaantabay ang mga kinauukulan upang magbigay ng karampatang aksyon para sa mga magpopositibo sa paggamit ng droga.
Magsasagawa ng mga intervention ang mga kinaukulan tulad ng spiritual enhancement habang psychosocial Intervention naman ang isasagawa ng City Social Welfare and Development Office.
Ayon kay Pastor Serquiña, bagamat may mga naantalang programa ang CADAC dahil sa COVID-19 pandemic ay hindi pa rin mahahadlangan ang hangarin ng pamahalaang lunsod na magbigay ng mga tamang impormasyon kaugnay sa masamang epekto ng iligal na droga.





