Nagsama-sama ang tinatayang 250 katao sa Millennium Park sa Chicago, United States upang subukang itulak nang pitong pulgada pakaliwa ang sikat na Cloud Gate sculpture na mas kilala bilang “The Bean.”
Isinagawa ang kakaibang pagtitipon nitong Linggo, alas-12:47 ng tanghali, kasunod ng mga flyer na ipinaskil sa iba’t ibang bahagi ng lungsod at mga panawagan sa social media na sama-samang itulak ang naturang eskultura.
Nagsimula ang ideya mula sa isang pabirong teorya na umano’y may lalaking nakakulong sa loob ng malaking stainless steel sculpture at kailangang ilipat ito upang mabuksan ang isang sinasabing lagusan sa ilalim ng kanang bahagi nito.
Ayon sa organizer, kapag naitulak nang pitong pulgada pakaliwa ang The Bean, posibleng ma-access ang naturang lagusan upang matulungan ang lalaking umano’y nakulong sa loob at mabigyan ito ng pagkain at iba pang pangangailangan.
Kabilang sa mga dumalo si Chicago promoter at entertainer Taylor Bennett na nagbahagi rin ng video ng pagtitipon sa social media.
Sa gitna ng pagtutulakan, pabirong idineklara ni Bennett na tila umusog nang isang pulgada ang eskultura batay umano sa napansin ng ilan sa mga dumalo.
Gayunman, nilinaw niya kalaunan na hindi talaga gumalaw ang The Bean sa kabila ng pagsisikap ng daan-daang katao.








