--Ads--

Bumuhos ang pagbati mula sa mga kapwa artista at celebrities para sa SB19 matapos maging kauna-unahang Filipino act na nagtanghal sa prestihiyosong Lollapalooza Music Festival 2026 sa Chicago, Illinois.

Matapos ang kanilang makasaysayang pagtatanghal sa Allianz Stage, agad na umani ng papuri ang P-pop group mula sa iba’t ibang personalidad sa industriya ng musika at entertainment. Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta ang BINI na nagbigay-pugay sa tagumpay ng grupo at sa patuloy na pag-angat ng Original Pilipino Music (OPM) sa pandaigdigang entablado.

Nagpahayag din ng pagbati sina singer-songwriter Maki, OPM icon Ogie Alcasid, at ang banda na Ben&Ben, na tinawag na “legendary” ang naging performance ng SB19. Nagpaabot din ng mensahe ng suporta si Black Eyed Peas member apl.de.ap, na nagpahayag ng paghanga sa tagumpay ng grupo.

Samantala, nakibahagi rin ang content creator na si Kween Yasmin sa watch party na inorganisa ng Department of Tourism sa Rizal Park sa Maynila, kung saan sama-samang pinanood ng mga tagahanga ang makasaysayang pagtatanghal ng SB19.

--Ads--

Kasunod ng kanilang matagumpay na debut sa Lollapalooza, nakatakdang magtungo ang SB19 sa Estados Unidos at Japan para sa iba pang international fan events at performances, kabilang ang Summer Sonic Festival ngayong Agosto.