CAUAYAN CITY – Pansamantalang ipinatigil ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 ang pamamahagi ng ayuda para sa mga nasiraan ng bahay noong bagyong Rosita sa ilang barangay sa dalawang bayan sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na sinulatan nila para ipabatid na pansamantalang itigil ang pamamahagi ng ayuda sa ilang barangay sa 2 bayan dahil sa mga reklamo na kailangang ayusin.
Kailangan munang pag-usapan ng DSWD, mga nagrereklamo, mga opisyal ng barangay, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at mayor ng bayan ang mga reklamo bago ipagpatuloy ang pamamahagi ng ayuda.
Samantala, nasa 97% na ng P542 million na inilaang ayuda sa unang tranche ang naipamahagi na sa mga benepisaryo na ang pinakamarami ay mula sa Isabela.
Kasalukuyan na ang pamamahagi ng DSWD sa ikalawang bugso ng ayuda na may kabuuang pondo na P139 million at nasa 81% na ang nabigyang benepisaryo.
Pinabulaanan ni ARD Lucia Alan ang kumakalat na balitang mayroon pang ikatlong tranche.
Aniya, huli na ang ikalawang tranche ng ayuda at ang mga hindi nabigyan sa unang tranche ay mga pamilya na nagtamo ng totally damaged ang bahay at ang ikalawang tranche ay para sa mga partially damaged.
Pinaalalahanan din ni Asst. Regional Director Alan ang mga LGUs na hindi pa nabibigyan ng nasabing ayuda na hintayin lamang ang anunsiyo ng DSWD kung kailan ang kanilang pamamahagi.
Pinasalamatan din ng DSWD Region 2 ang mga LGUs sa pagtulong sa kanila sa pamamahagi ng ayuda.











