CAUAYAN CITY – Ipatutupad ang mas mahigpit na health protocols kasunod ng pagkakatala ng kauna-unahang nasawi sanhi ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Greg Pua ng San Mateo, Isabela na dati na silang mahigpit ngunit lalo pa silang maghihipit ngayon dahil sa pagkasawi ng isang 57 anyos na lalaki na nagpositibo sa COVID-19 at residente ng barangay Salinungan West.
Ayon kay Mayor Pua, isang Authorized Person Outside Residence (APOR) ang nasawing pasyente at dahil sa kanyang trabaho na breeder at nagdedeliver ng mga fingerlings ay maraming lugar ang kanyang napuntahan bago siya nagpositibo sa virus.
Kaugnay nito ay may bago na silang panuntunan sa mga APOR sa kanilang bayan na kada 14 na araw ay dapat kukuha ulit sila ng health certificate at kung hindi susunod ay magmumulta ng 500 pesos.
Pinayuhan niya ang kanyang mga kababayan na doblehin ang pag-iingat dahil hindi naman mahirap ang pagsunod sa mga minimum health protocols.
Samantala, umabot sa 30 ang nakasalamuha ng nasawing pasyente.
Kabilang dito ang kanyang pamilya at ang mga kawani sa ospital sa San Mateo kung saan siya namalagi ng dalawang araw bago dinala sa isang ospital sa Santiago City.
Gayunman ay negatibo naman sila sa rapid test at posibleng sasailalim pa rin sa swab test ngayong araw kasama ang mga direct contact ng pasyente pangunahin na ang kanyang pamilya.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy kung saan nahawa ang pasyente dahil nagpapatuloy ang contact tracing.











