--Ads--

CAUAYAN CITY- Labis ang pag-aalala ngayon ng Ina ng isang katorse anyos na dalagita dahil isang linggo na itong nawawala.

Ang  naturang dalagita ay si Babylyn Calacsan, 14-anyos at residente ng District 1, Cauayan City, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marlyn Calacsan, ina ng nawawalang dalagita sinabi niya na unang araw ng Hunyo noong nagpa-alam ang kaniyang anak na magca-camping umano ito sa kanilang eskwelahan.

Nagduda na aniya siya dahil bakasayon naman na kaya sinabi niya sa kaniyang kasama sa bahay na huwag ng papuntahin ang kaniyang anak dahil baka pupunta lamang ito sa kaniyang kasintahan.

--Ads--

Ngunit umalis na lamang umano ang kaniyang anak ng hindi na nagpapaalam at hanggang ngayon ay hindi pa ito umuuwi.

Nagtungo na aniya sila sa eskwelahan ng kaniyang anak ngunit wala naman umanong tao sa paaralan dahil bakasyon na.

Aniya, sinusubukan din nilang kontakin ang numero nito ngunit hindi ito sumasagot.  

Nakikita din nila na active ito sa social media ngunit hindi siya nagrereply sa kanilang mga mensahe.

Kinontak na din aniya nila ang boyfriend nito ngunit hindi naman umano nito alam kung nasaan ang kaniyang nobya.

Idinulog na din aniya nila ito sa himpilan ng pulisya at sinabihan umano sila na magtungo sa dito sa Bombo Radyo Cauayan.

Nanawagan naman siya sa kaniyang anak na umuwi na dahil labis na ang kanilang pag-aalala.

Aniya, nakasuot ang kaniyang anak ng black pants, red na jacket at naka bagpack ng kulay itim nang huli siyang makita kaya nanawagan din siya kung sinuman ang nakakita o nakakaalam sa kinaroroonan ng kaniyang anak na ipagbigay alam lamang ito sa PNP Cauayan o sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan.