--Ads--

Hiniling ng Office of the Ombudsman ang lahat ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga miyembro ng House of Representatives, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyektong pang-flood control ng pamahalaan.

sinabi ni Remulla na inaasahang magiging kapanapanabik ang mga darating na araw, mula Abril 20 hanggang 22, dahil maraming kaganapan ang ilalabas kaugnay ng imbestigasyon sa mga mambabatas na umano’y sangkot sa kontrobersya, na tinaguriang “congtractors.”

May hawak na ang Ombudsman ng SALN ng 26 na kongresista na nadawit sa flood control scheme at isasailalim sa lifestyle check.

Posibleng madagdagan pa ang listahan ng mga susuriin, ngunit wala pang pinangalanan.

--Ads--

Nauna nang binalaan ni Remulla si House Secretary General Cheloy Garafil ng suspensyon kung patuloy na tatanggihan ang pagtanggap ng subpoena para sa SALN ng mga miyembro ng Kamara.

Ayon sa Ombudsman, hiningi niya ang SALN ng mga kongresista sa loob ng 10 taon o sa buong panahon ng kanilang panunungkulan.

Inihayag ni Remulla na dadalo siya sa pagdinig ng House justice committee sa Abril 22, matapos ipatawag kaugnay ng SALN ni Vice President Sara Duterte.

Aniya, pupunta siya “bilang paggalang sa Kamara,” ngunit ang tagapag-ingat ng mga dokumento ang siyang sasagot sa mga tanong ng mga mambabatas.