Dalawang indibidwal kabilang ang isang estudyante ang naaresto sa isinagawang anti-drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 noong April 26.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Gil Cesario Castro ng PDEA Region 2, sinabi niya na ang operasyon ay isinagawa batay sa intelligence-driven na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga sa rehiyon.
Ayon kay Castro, nahuli sa operasyon ang suspek na kinilalang si alias “Jay,” na isang criminology student, kasama ang isa pang indibidwal na si alias “Cassie.”
Narekober mula sa mga suspek ang tinatayang nasa halos isang 100,000 pisong halaga ng ilegal na droga, kabilang ang humigit-kumulang 770 gramo ng marijuana at isang gramo ng shabu.
Base sa imbestigasyon, nagmumula umano sa Kalinga ang marijuana na ipinupuslit gamit ang motorsiklo at dumadaan sa mga pangunahing kalsada patungo sa iba’t ibang lalawigan kabilang ang Isabela at Nueva Vizcaya.
Ipinaliwanag ni Castro na itinatago ang mga ilegal na droga sa loob ng compartment ng motorsiklo upang makalusot sa mga checkpoint, na kadalasan ay limitado lamang sa visual inspection maliban kung may paglabag sa trapiko.
Dagdag pa niya, patuloy ang isinasagawang case build-up operation ng PDEA upang matukoy ang iba pang sangkot at posibleng drop points ng ilegal na droga sa rehiyon.
Ayon pa sa opisyal, hindi na bago ang pagkakasangkot ng mga estudyante sa ilegal na droga, kung saan ang marijuana ay itinuturing na “gateway drug” na nagbubukas sa paggamit ng mas matitinding ipinagbabawal na gamot gaya ng shabu.
Sa kabila nito, sinabi ni Castro na nananatiling mataas ang suplay ng ilegal na droga, subalit bumababa naman ang demand dahil sa patuloy na rehabilitasyon ng mga dating gumagamit.
Gayunman, nagbabala siya na patuloy ang banta ng muling pagdami ng gumagamit lalo na sa hanay ng kabataan kung hindi mapipigilan ang suplay ng ilegal na droga.
Tiniyak naman ng PDEA Region 2 na ipagpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang drug-cleared status ng mga komunidad sa rehiyon.











