Isinama na ng administrasyong Marcos sa mga priority measures nito ang dalawang panukalang batas ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na naglalayong palakasin ang suporta at serbisyo para sa mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Kabilang sa mga panukalang isinama sa listahan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang Senate Bill No. 1991 o Agricultural and Fisheries Extension Services Act at Senate Bill No. 1990 o Agricultural Cooperatives Act.
Ayon kay Pangilinan, mahalagang maisabatas ang dalawang panukala upang mabigyan ang mga magsasaka at mangingisda ng mas matibay na suporta mula sa pamahalaan, mas mahusay na access sa teknolohiya at kaalaman, at mas epektibong sistema ng kooperatiba.
Sa ilalim ng SB 1991, bubuo ng isang mas organisado at pinalakas na national extension system na magbibigay ng technical assistance, research-based technologies, climate-smart farming practices, at mga programa para sa pagsasanay ng mga magsasaka at mangingisda.
Samantala, layunin naman ng SB 1990 na muling itatag ang Bureau of Agriculture Cooperatives at palakasin ang kakayahan ng mga agricultural cooperative upang mapabuti ang access sa pondo, pamilihan, kagamitan, at mga oportunidad para sa pagdaragdag ng halaga sa kanilang mga produkto.
Sinabi ni Pangilinan na mahalaga ang pagkakaroon ng konkretong sistema at serbisyo para sa sektor ng agrikultura at pangingisda, lalo na sa harap ng mataas na gastos sa produksyon at limitadong access sa makabagong teknolohiya.
Naniniwala rin ang senador na makatutulong ang dalawang panukala sa pangmatagalang food security ng bansa dahil ang mas matatag na sektor ng agrikultura at pangingisda ay maaaring magpababa ng presyo ng pagkain at magpalakas ng kabuhayan ng mga Pilipino.
Dagdag pa niya, nakahanda siyang makipagtulungan sa Senado, Kamara, at ehekutibong sangay ng pamahalaan upang mapabilis ang pagpasa ng mga nasabing panukalang batas.










