--Ads--

CAUAYAN CITY– Tiniyak ng pamunuan ng Department of Agrarian Reform (DAR) Isabela na tuloy pa rin ang operasyon ng kanilang tanggapan sa kabila ng banta ng COVID-19.

Kasunod ito ng pagpositibo sa COVID-19 ng isang kawani ng tanggapan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Agrarian Reform Officer Eunomio Israel Jr. ng DAR Isabela na sa kabila ng pagpositibo sa COVID-19 ng isa nilang kawani ay walang magbabago sa kanilang mga transaksyon.

Aniya, hindi nila kailangang ilockdown ang buo nilang tanggapan dahil magkakalayo naman ang mga buildings at ilan lamang sila na nakasalamuha ng nagpositibo.

--Ads--

Ayon sa kanya, maaring nahawa ang kanilang kawani nang magtungo sila noong nakaraang linggo sa Nueva Vizcaya para dumalo sa programa ng DAR.

Araw ng Huwebes noong nakaraang linggo ay sumailalim sila sa SWAB test bilang bahagi ng requirements nila sa kanilang national assessements.

Nagpositibo aniya ang naturang kawani habang siya ay nagnegatibo.

Sa ngayon ay naka-quarantine na ang kawani nilang nagpositibo habang siya ay naka-isolate.

Ito ay para sa kaligtasan ng ibang kawani ng DAR Isabela at kanilang mga pamilya.

Pinayuhan na rin ang mga posibleng nakasalamuha ng nagpositibong kawani na sumangguni sa Rural Health Unit o RHU at kung maari ay sumailalim sa isolation.

Tiniyak ni Provincial Agrarian Reform Officer Israel na regular ang isinasagawa nilang disinfection katuwang ang BFP Cauayan City.

Mula noong makapagtala ang bansa ng mga kaso ng COVID-19 ay umabot na sa sa labing lima ang naitala sa mga tanggapan ng DAR Isabela.

Ang bahagi ng pahayag ni PARO Eunomio Israel Jr.