--Ads--

CAUAYAN CITY  – Inaresto ang isang dating barangay treasurer sa bisa ng mandamiyento de aresto na ipinalabas ng korte dahil sa kasong estafa at swindling.

Ito ay nag-ugat sa panloloko at pagtangay umano ng milyun-milyung pisong pera  sa mga naging ka-transaksyon sa Villa Magat, San Mateo, Isabela.

Ang akusado ay si Edna, di tunay na pangalan, 33 anyos at dating barangay treasurer ng isang barangay sa City of Ilagan.

Isinilbi ng mga otoridad ang mandamiyento de aresto na ipinalabas ni Judge Andrew Barcena ng Regional Trial Court Branch 17, 2nd Judicial Region City of Ilagan dahil sa kasong estafa at panloloko.

--Ads--

Sa naging pagpapahayag ng isa sa mga biktima na si Annie, sinabi niya na natangayan siya ng akusado ng 2.7 million pesos para umano sa pagpapahukay ng ginto.

Bukod kay Annie ay ilan din umano sa nalinlang ng akusado ang pinangakuan na bibigyan ng gold bars at natangayan din ng milyun-milyong pisong pera.

Modus umano ng akusado na maningil ng bayad sa pagpapahukay ng mga gold bar subalit matapos na makuha ang malaking halaga ng pera ay magtatago na at hindi na magpapakita o magparamdam.

Kalaunan ay napag-alaman ng mga nabiktima na nanloloko ang akusado at hindi totoong nagpapahukay  ng ginto kaya nagsampa sila ng kaso para mabawi ang perang ibinigay sa kanya.