Tumestigo nitong Miyerkules sa Sandiganbayan Fifth Division si dating DPWH Undersecretary at state witness Roberto Bernardo sa graft case laban kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Sinabi ni Bernardo na ang P120 milyon na umano’y “balato” na natanggap niya mula kay Co ay katumbas lamang ng isang porsyento ng umano’y 25% kickback na nakalaan kay Co mula sa mga proyekto ng gobyerno.
Inilahad ito ni Bernardo sa Sandiganbayan Fifth Division habang nililitis ang graft case laban kay Co kaugnay ng umano’y maanomalyang road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Itinama rin ni Bernardo ang kaniyang judicial affidavit kung saan una niyang sinabi na P100 milyon ang natanggap niya. Ayon sa kaniya, P45 milyon ang natanggap noong 2023, P50 milyon noong 2024 at P25 milyon noong 2025.
Sinabi rin niyang hinati nila ni dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara ang dalawang porsyento mula sa umano’y 25% na nakalaan kay Co, kung saan tig-isang porsyento ang kanilang bahagi.
Bukod dito, sinabi ni Bernardo na tumanggap din siya ng P10 milyon kada taon mula kay Co sa pamamagitan ni dating DPWH-Mimaropa Regional Director Gerald Pacanan mula 2023 hanggang 2025.
Ayon sa kaniya, hindi niya tinanong kung para saan ang pera ngunit iniuugnay niya ito sa mga proyektong napunta sa Mimaropa sa pamamagitan umano ng impluwensiya ni Co bilang dating chairman ng House Committee on Appropriations.











