Nakapagpiyansa at nakalaya na si Atty. Levito Baligod at apat na dating bodyguard umano ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co matapos arestuhin sa San Juan City dahil sa kasong unjust vexation na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon kay San Juan City Police Chief Police Colonel Anthony Gantang, inaresto ang mga ito sa San Juan Hall of Justice bandang alas-9:30 ng umaga nitong Biyernes, kung saan dumalo si Baligod sa isang pagdinig.
Batay sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 69 sa Iba, Zambales, itinakda sa P10,000 ang piyansa ng bawat isa.
Samantala, hindi pa nakapagpiyansa ang 10 iba pa dahil maaga umanong umuwi ang mga kawani ng korte kaya hindi na naipasa ang kanilang mga barangay certificate.
Matatandaang ilang dating bodyguard ni Co ang nag-akong naghatid ng mga maleta ng pera kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at iba pang indibidwal. Itinanggi naman ng mga pinangalanan ang mga paratang.
Noong Agosto, binawi ng apat sa 18 lumagda sa mga affidavit ang kanilang mga naunang pahayag, at sinabing nais na lamang nilang mamuhay nang tahimik matapos makatanggap umano ng mga banta sa kanilang buhay.










