Dalawang dating miyembro ng armadong grupo ang boluntaryong nagbalik-loob at isinuko ang kanilang mga armas at iba pang kagamitang pang-digma sa isinagawang coordinated engagement ng mga tauhan ng Philippine Army at PNP sa Barangay Ibujan, San Mariano, Isabela.
Kabilang sa mga nagbalik-loob si alyas “Walter,” isang dating regular na miyembro ng armadong grupo, na naunang boluntaryong nagsuko ng isang M16 rifle at isang long magazine. Sa isinagawang follow-up debriefing, nakapagbahagi rin siya ng impormasyon hinggil sa pagkakaroon ng iba pang mga baril, bomba, at kagamitang pang-digma na sinasabing itinago o hawak pa ng ilan sa kanyang mga dating kasamahan sa lugar.
Batay sa impormasyong ibinahagi, agad na nagsagawa ng kaukulang recovery operation upang matukoy at mabawi ang mga naturang armas at kagamitang pang-digma.
Sa isinagawang operasyon, matagumpay na narekober ang mga nabanggit na kagamitan, na agad namang isinailalim sa kaukulang seguridad, pag-iingat, at dokumentasyon.
Bunga rin ng patuloy na pakikipag-ugnayan, isa pang indibidwal na kinilalang alyas “Rogel,” isang dating Commander ng Milisyang Bayan na unang nagbalik-loob noong 2019, ang muling nakipagtulungan sa mga awtoridad at boluntaryong isinuko ang isang Garand Rifle.
Ang naturang operasyon ay naging bunga ng patuloy na koordinasyon at pakikipag-ugnayan ng Philippine Army at PNP units sa mga dating kasapi ng armadong grupo, na naglalayong mahikayat ang mga ito na tuluyang talikuran ang armadong pakikibaka at boluntaryong isuko ang mga natitira pa nilang armas at kagamitan.
Patuloy na hinihikayat ang mga natitira pang miyembro ng armadong grupo na talikuran ang armadong pakikibaka, isuko ang kanilang mga armas, at makipagtulungan sa mga awtoridad tungo sa kanilang pagbabalik sa mapayapang pamumuhay at pagiging produktibong bahagi ng lipunan.











