--Ads--

Handa umanong harapin ng ”masaya” ni dating Ombudsman Samuel Martires kung siya ay iimbestigahan ng Karama de Representantes kaugnay ng mga paratang na tumanggap umano siya ng milyun-milyong pisong confidential funds mula kay Vice President Sara Duterte.

Bukod dito muling niyang itinanggi ang alegasyon. Aniya, wala siyang nakikitang dahilan upang imbestigahan pa siya dahil hindi na siya bahagi ng pamahalaan.

Nag-ugat ang isyu sa sinumpaang salaysay ni Ramil Madriaga, na nagsabing naghatid umano siya ng kabuuang P125 million sa iba’t ibang lugar, kabilang ang tanggapan ng Ombudsman.

Ayon sa kanya, ang pera ay inilalagay sa mga sasakyan bilang bahagi ng umano’y nakagawiang paraan ng pagde-deliver ng malalaking halaga.

--Ads--

Kinuwestiyon naman ni Martires ang kredibilidad ng naturang affidavit ni Madriaga, at iginiit na walang dahilan para padalhan siya ng pera ng Bise Presidente.

Binigyang-diin din niya na hindi niya sinuportahan si VP Sara noong nakaraang halalan.

Dagdag pa niya, minsan lang umano silang nagkita ng Bise at ‘wala silang malapit na ugnayan. Pinasinungalingan rin niya ang ilang detalye sa salaysay ni Madriaga na aniya’y hindi kapani-paniwala.

Samantala, bukod sa alegasyon ng pamemera, ibinunyag din sa testemonya ni Madriaga ang umano’y kasunduan sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa hatian ng puwesto sa pamahalaan kung saan ipapalit si VP Sara pagsapit ng taong 2025.