--Ads--

Tuluyan nang nagkita sa Senado sina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at dating Senador Antonio Trillanes IV kaugnay ng pagdinig sa Article II ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na may kinalaman sa alegasyong unexplained wealth.

Nanumpa bilang testigo si Mayor Duterte matapos siyang ipatawag ng House prosecution panel upang magbigay ng pahayag kaugnay ng mga kontrata ng Davao City government sa GenCorp Industries Inc., kumpanyang idineklara ni VP Duterte bilang isa sa kanyang business interests sa kanyang SALN.

Batay sa mga naunang testigo, umabot sa ₱34.2 milyon ang halaga ng 15 food service contracts na iginawad ng Davao City government sa GenCorp mula Hunyo 2022 hanggang Hunyo 2026, panahong si Baste Duterte ang alkalde at si Sara Duterte naman ang bise presidente.

Nauna nang sinabi ni Mayor Duterte na wala siyang kaalaman na incorporator o may interes si VP Duterte sa GenCorp dahil hindi nakalagay ang pangalan nito sa corporate records ng kumpanya bilang stockholder, bagama’t idineklara ng bise presidente sa kanyang SALN na stockholder siya ng kumpanya mula 2016 hanggang 2025.

--Ads--

Samantala, dumalo rin sa Senado si dating Senador Antonio Trillanes IV, na kabilang sa mga nakalistang testigo ng prosecution kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth laban kay VP Duterte. Patuloy naman ang pagdinig ng Senate Impeachment Court sa Article II ng Articles of Impeachment.