--Ads--

Hindi bababa sa 35 katao ang nasawi matapos yanigin ng magnitude 7.8 na lindol ang lalawigan ng Sarangani noong Lunes ng umaga, Hunyo 8, 2026.

Nagdulot din ang malakas na pagyanig ng malawakang pinsala sa mga gusali, pagsuspinde ng klase at biyahe sa eroplano, at pansamantalang tsunami warnings sa iba’t ibang bansa na kalaunan ay binawi.

Batay sa Office of Civil Defense, pinakamaraming nasawi ay naitala sa General Santos City na may 10 biktima, habang nasa 12 katao pa ang nawawala.

Karamihan sa mga nasawi ay dulot ng pagbagsak ng mga debris, pagguho ng gusali, at landslide.

--Ads--

Mahigit 134 naman ang naiulat na nasugatan ayon sa Philippine National Police.Philippine Politics News

Isa sa mga tinamaan nang husto ay ang General Santos City kung saan gumuho ang isang dalawang-palapag na paaralan habang may mga estudyante sa loob.

Patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang aktuwal na bilang ng mga naapektuhan sa insidente.

Makikita rin sa mga video na kumalat online ang pagguho ng ilang unibersidad at commercial buildings, kabilang ang mga restaurant at iba pang establisyimento.

Dahil sa lakas ng pagyanig, nagtakbuhan palabas ng mga gusali ang mga residente upang makaiwas sa posibleng peligro.

Aabot sa 8,600 na paaralan sa 43 divisions sa anim na rehiyon ang naapektuhan ng lindol, ayon sa Department of Education.

Sa kabilang banda pansamantalang isinara ang General Santos International Airport mula alas-8:45 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon para sa safety inspection.

Labing-pitong domestic flights ang kinansela habang nilimitahan muna ang operasyon ng airport para sa government, military, at humanitarian flights.

Bukod sa Pilipinas naglabas din ng tsunami warning ang Indonesia, at Japan matapos ang lindol, ngunit kalaunan ay inalis din ang alert status.