Umabot na sa mahigit 3.7 milyong katao o 1.08 milyong pamilya ang naapektuhan ng magkakasunod na bagyong Luis at Maymay, kasama ang pinaigting na Southwest Monsoon o habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Batay sa pinakahuling datos ng OCD ngayong Agosto 13, kabilang sa mga apektadong lugar ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Metro Manila at MIMAROPA.
Nasa 53,570 katao o 15,017 pamilya naman ang pansamantalang nananatili sa 553 evacuation centers.
Naitala rin ang 21 nasawi, 14 sugatan at tatlong nawawala. Pinakamaraming nasawi sa Benguet na umabot sa 15 dahil sa mga pagguho ng lupa.
Samantala, umabot sa 1,339 bahay ang napinsala, kung saan 103 ang tuluyang nawasak.
Tinatayang nasa P2.64 bilyon ang pinsala sa imprastraktura habang pumalo naman sa P347.37 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Ayon pa sa OCD, nakapagbigay na ang pamahalaan ng humigit-kumulang P458 milyon halaga ng tulong sa mga apektadong komunidad.










