Umabot na sa P5.95 bilyon ang pinsala sa imprastraktura dulot ng mga bagyong Luis, Maymay at Neneng, kasama ang habagat, ayon sa Office of Civil Defense o OCD.
Batay sa datos ng OCD nitong Huwebes, Agosto 27, nasa P1.91 bilyon naman ang naitalang pinsala sa agrikultura.
Samantala, umabot sa 7.7 milyong katao o 2.2 milyong pamilya ang naapektuhan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, habang nasa 28,000 katao ang nananatili sa 325 evacuation centers.
Tinatayang 2,800 bahay ang napinsala, kabilang ang 2,500 bahagyang nasira at 340 tuluyang nawasak.
Nanatili sa 31 ang bilang ng mga nasawi, habang 19 ang sugatan at tatlo ang nawawala.
Ayon pa sa OCD, umabot na sa P1.56 bilyon ang kabuuang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong komunidad.










