--Ads--

Humiling ng walong araw ng paglilitis ang defense team ni Vice President Sara Duterte upang ilahad ang kanilang mga saksi at ebidensiya laban sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag at hindi idineklarang yaman sa impeachment case laban sa bise presidente.

Sa isang panayam, sinabi ni House prosecution panel adviser at spokesperson Ace Barbers na posibleng matapos ang paglalahad ng ebidensiya ng depensa bago matapos ang Nobyembre, depende sa dami ng mga saksi at dokumentong kanilang ihaharap.

Nakatakdang simulan sa Nobyembre 9 ang mga pagdinig ng Senate impeachment court, na magpapatuloy sa Nobyembre 10 hanggang 13, 19, 20 at 23.

Ayon kay Barbers, bukas ang prosekusyon sa paglalagay sa stipulation ng mga ebidensiyang hindi na kailangang pagtalunan ng dalawang panig upang mapabilis ang paglilitis at maiwasan ang hindi kinakailangang mahabang argumento.

--Ads--

Inihahanda na rin umano ng prosecution panel ang pagtatanong sa mga saksi ng depensa sa pamamagitan ng cross-examination.

Matatandaang binawi ng prosekusyon ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban kay Duterte, kaya Article II na lamang ang nananatili. Kabilang sa mga alegasyon dito ang pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman, hindi pagdedeklara ng kabuuang ari-arian at pagpapanatili ng mga interes sa negosyo habang nanunungkulan bilang bise presidente, na umano’y labag sa Konstitusyon.