CAUAYAN CITY – Malakas at nangunguna pa rin sa mga polls ang democratic party sa Nevada, United States of America..
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi nina Bamba Gregorio, tubong Ilagan City, Isabela at Mirriam Pasimio, tubong Batangas na nasa Nevada, malakas ang Democrats sa naturang estado .
Sa kabila nito ay mas pabor pa rin sila sa Republican Party pero inamin nila na noong nakaraang 2016 elections sa Estados Unidos ay mga democrats ang kanilang sinuportahan.
Marami na ang nagawa ni Pangulong Trump mula nang siya ay maging pangulo ng Amerika.
Inihalimbawa nila ang paglalagay ng wall sa border ng Mexico para maprotektahan ang mga US Citizen.
Sinabi pa nila na ang ginagawa ng pangulo kontra sa mga illegal migrants ay para ipaglaban ang karapatan ng mga Amerikano.
Hindi anila dapat na magkaroon ng papel ang mga tumawid lamang sa mga border habang mayroon namang nagpapakahirap para ma-convert ang kanilang citizenship.
Ayon pa sa kanila, kumpara kay dating Vice President at Democratic nominee Joe Biden na matagal na sa politika ay wala pa silang nakikitang nagawa nito.











