--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasa 70-75% na ang kahandaan ng Department of Education (DepEd) Cauayan City sa isasagawang Licensure Examination for Teachers (LET) sa Cauayan City sa Marso 2021.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., schools division superintendent ng DepEd Cauayan City na pitong pampublikong paaralan at anim na pribado kabilang na ang mga paaralan sa kolehiyo ang kanilang naihanda maliban sa Isabela State University (ISU) dahil ginagamit pa rin itong COVID-19 quarantine facility.

Aniya, halos 98 classrooms sa pribadong paaralan din ang kanilang inihanda para may magamit sakali mang magkulang ang mga naihanda nila sa pampublikong paaralan.

Ayon kay Dr. Gumaru, kaunting paghahanda na lamang ang kanilang ginagawa dahil dati na ring nakahanda ang mga paaralan bago ang pagpapatupad ng lockdown noong Marso 2020 para sana sa  Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet.

--Ads--

Mayroon na silang binuong Technical Working Group sa DepEd at ibang ahensya na kanilang katuwang lalo na sa pamahalaang Lunsod ng Cauayan.

Tulung-tulong ang mga school heads at mga guro sa paghahanda sa mga paaralan dahil kauna-unahang isasagawa sa Lunsod ng Cauayan ang LET.

Dagdag niya na manggagaling din sa kanilang division ang mga magiging proctor at ngayong Pebrero ay magsasagawa na sila ng orientation bilang bahagi pa rin ng kanilang paghahanda.

Ang pahayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr.