--Ads--

Ganap nang batas ang Republic Act No. 12322 na nagbibigay sa Department of Education (DepEd) ng kapangyarihang pumili at magpatupad ng mga pamamaraang itinuturing nitong pinakamainam sa pagtuturo sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa basic education.

Naging ganap na batas ang panukala matapos itong mag-lapse into law noong Agosto 2, 2026.

Sa ilalim ng bagong batas, hindi na obligado ang DepEd na sumunod sa iisang teaching approach at maaari na itong magpatupad ng mga estratehiyang mas naaangkop upang mapabuti ang pagkatuto ng mga mag-aaral.

Binabago rin ng RA 12322 ang ilang probisyon ng Enhanced Basic Education Act of 2013, kabilang ang dating rekisito sa paggamit ng spiral progression approach sa pagtuturo.

--Ads--

Inaatasan din ng batas ang DepEd na magsagawa ng regular na pagsusuri sa curriculum at mga pamamaraan ng pagtuturo kada limang taon upang matiyak na nananatiling epektibo at naaayon ang mga ito sa pangangailangan ng mga estudyante.

Magkakabisa ang batas makalipas ang 15 araw mula sa paglalathala nito sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.