Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng bagong guidelines na layong tulungan ang mga paaralan sa pagdedesisyon sa gitna ng masamang panahon at iba pang emergency na maaaring makaapekto sa klase.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 14, naglatag ang ahensya ng mas malinaw na balangkas para sa mga school head, division alternative learning system focal point, at schools division superintendent sa pagdedesisyon tuwing may bagyo, baha, lindol, matinding init, health crisis, karahasan, armadong sigalot, at iba pang sakuna.
Ipinakilala rin ang learning continuity framework na may apat na antas upang gabayan ang mga paaralan batay sa kaligtasan at kondisyon ng mga mag-aaral at guro.
Ang unang antas ay “hayo” o continue, kung saan ipinagpapatuloy ang face-to-face classes kung ligtas ang lahat. Ang “hinay” o ease-in ay para sa mas mabagal at flexible na pagkatuto sa panahon ng banayad na aberya. Sa “hinga” o check-in, binabawasan ang academic load at binibigyang-prayoridad ang kapakanan ng mga mag-aaral at guro. Sa “hinto” o stop, pansamantalang ititigil ang pag-aaral dahil sa seryosong banta sa kaligtasan.
Kasama rin sa polisiya ang pagsasanay para sa mga guro sa trauma-informed teaching, psychological first aid, at iba’t ibang paraan ng paghahatid ng aralin sa panahon ng krisis.
Inaatasan din ang mga regional at division office na suportahan ang mental health ng mga guro at magbigay ng emergency assistance, lalo na sa mga lugar na high-risk o kulang sa resources.
Hinihikayat ang mga school head na makipag-ugnayan sa division superintendents at lokal na pamahalaan sa pagdedesisyon ng class suspensions upang masigurong ito ay nakaayon sa aktwal na sitwasyon sa komunidad.
Ayon sa DepEd, layunin ng bagong guidelines na maiwasan ang awtomatikong suspensyon ng klase kung ligtas naman ang mga mag-aaral at guro, at mas mapalakas ang localized at kondisyon-based na pagdedesisyon sa panahon ng sakuna at emerhensiya.











