Patuloy na pinaiigting ng Department of Education (DepEd) ang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral sa mga paaralan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng School Safety Inspection.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Dexter Galban, Assistant Secretary for Strategic Management ng DepEd, sinabi nitong tuloy-tuloy ang suporta ng ahensya sa mga biktima ng insidente sa Tacloban habang patuloy ding nagsasagawa ng mga hakbang upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan.
Ayon kay Dr. Galban, ang Cauayan City Stand-Alone Senior High School ang unang destinasyon ng kanilang inspeksyon sa Rehiyon 2. Aniya, layunin ng kanilang pagbisita na masuri ang kasalukuyang kalagayan ng mga paaralan at matiyak na naipatutupad ang mga kinakailangang hakbang para sa kaligtasan ng mga estudyante.
Matapos ang kanilang pagbisita sa Cauayan City, nakatakda rin umano silang magtungo sa iba pang mga paaralan sa rehiyon upang magsagawa ng kaparehong inspeksyon at pagsusuri.
Sinabi ni Dr. Galban na mahalagang masiguro na ang mga paaralan ay ligtas na lugar para sa pagkatuto upang magkaroon ng kapanatagan ang mga mag-aaral, guro, at mga magulang.
Aniya, kabilang sa kanilang mga hakbang ang masusing inspeksyon sa mga pasilidad ng paaralan at pagpapatupad ng mga kaukulang safety measures upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring magbanta sa kapakanan ng mga estudyante.
Dagdag pa niya, layunin ng DepEd na mas maramdaman ng mga mag-aaral na ligtas ang kanilang kapaligiran sa paaralan upang makapagpokus sila sa kanilang pag-aaral at personal na pag-unlad.
Patuloy namang hinihikayat ng DepEd ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan, mga opisyal ng paaralan, at mga magulang upang mapanatili ang isang ligtas at maayos na kapaligiran para sa mga kabataan.
Binigyang-diin ni Galban na mananatiling prayoridad ng kagawaran ang kapakanan, seguridad, at kaligtasan ng bawat mag-aaral sa buong bansa.











