--Ads--

Mas paiigtingin ng Department of Education (DepEd) ang pagmamanman sa madalas na pagliban ng mga estudyante dahil maaari itong magsilbing “red flag” na nangangailangan ng maagang interbensyon.

Sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga City, sinabi ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma na nagsimula na ang kagawaran sa mas masusing pagmomonitor ng attendance ng mga mag-aaral.

Ayon kay Garma, pinag-aaralan din ng DepEd ang paggamit ng artificial intelligence o AI upang matukoy ang attendance patterns at iba pang posibleng senyales na nangangailangan ng agarang pagtutok.

Bahagi ito ng pagpapalakas ng threat assessment system ng kagawaran matapos ang mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.

--Ads--

Plano rin ng DepEd na unahing i-deploy ang 10,000 school counselor associates sa mga matutukoy na hotspot, habang pinalalakas din ang mga mekanismo para sa anonymous reporting ng mga estudyante.

Nilinaw naman ng DepEd na ang madalas na pagliban ay isa lamang posibleng early warning sign at hindi awtomatikong nangangahulugang banta sa seguridad ang isang estudyante.