Pinagtutuunan ng Department of Education o DepEd Region 2 ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga sports coach sa rehiyon sa pamamagitan ng isinagawang Regional Orientation-cum-Capacity Building bilang tugon sa pagdaragdag ng mga bagong larangan ng palakasan sa Palarong Pambansa.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan at coaches mula sa iba’t ibang Schools Division Office o SDO sa Region 2 na sumailalim sa orientation at capacity-building activities na nakatuon sa pagpapahusay ng kanilang kaalaman at kasanayan sa pagsasanay ng mga batang atleta.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DepEd Region 2 Regional Director Benjamin Paragas, sinabi niyang kinakailangan ang patuloy na paglinang sa technical competencies ng mga coach upang matiyak na ang kanilang training methodologies ay angkop at epektibo, partikular sa mga bagong sports events na kailangang paghandaan ng rehiyon.
Kabilang sa mga larangan ng palakasan na tinututukan ang kickboxing, karate, weightlifting at soft tennis, na nangangailangan ng masinsinang pag-aaral at pagsasanay upang matiyak na naipatutupad ng mga coach ang wastong teknik, estratehiya at mga pamantayan sa training.
Binigyang-diin ni Paragas na mahalaga ang pagkakaroon ng mga coach na may sapat na kaalaman at kasanayan upang mas maihanda ang mga atleta, hindi lamang para sa mga kompetisyong pampalakasan sa rehiyon kundi maging sa mas mataas na antas ng kompetisyon.
Kasabay nito, layunin din ng programa na matukoy at malinang ang mga potensyal na batang atleta na may kakayahan at interes sa mga bagong larangan ng palakasan upang mapalawak ang talent pool na maaaring kumatawan sa Region 2 sa mga susunod na kompetisyon.
Samantala, sinabi ng regional office na patuloy nitong binubuo at inaangkop ang mga kaukulang polisiya at mekanismo para sa mas sistematiko at sustainable na pagpapaunlad ng sports program sa rehiyon.





