CAUAYAN CITY– Mahaharap sa patung-patong na kaso ang Deputy Station Commander ng Delfin Police Station, isang barangay kapitan, barangay Kagawad at barangay tanod sa matapos masangkot sa robbery incident.
Ang mga mahaharap sa kaso ay sina si PLt. Noel Baccay, Barangay Kapitan Dario Reyes Jr., Brgy. Kagawad Vicente Maddara Jr. at Barangay Tanod Jimboy Managuelod na pawang residente ng San Nicolas, Delfin Albano
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Fresiel Dela Cruz, hepe ng Delfin Albano Police Station, sinabi niya na naganap ang nasabing insidente sa mismong himpilan ng PNP Delfin Albano.
Batay sa pahayag ng biktimang si PExecutive Master Seargent Johnmar Maggay, ang kanilang Municipal Executive Senior Police Officer (MESPO), dumating sa kanilang presinto ang apat na lango na sa alak subalit nag-inuman pa rin sa kusina ng himpilan ng pulisya.
Pinabayaan lamang sila ni Police Executive Master Seargent Maggay at habang nasa kalagitnaan ng inuman ay nakatulog na si PLt. Noel Baccay.
Pagkalipas ng ilang minuto ay inilabas ni Barangay Kapitan Reyes ang kanyang baril at itinutok kay Police Executive Master Sgt. Maggay.
Bukod dito ay inagaw din ang kanyang M16 armalite rifle at pagkatapos ay tumakas ang tatlo sakay sa kanilang sasakyan.
Agad namang nakatakbo sa second floor ng himpilan ng pulisya sy PEMSgt. Maggay upang kumuha ng armas at pinaputukan ang mga suspect.
Nagsagawa naman agad ng follow up operation ang kapulisan at nadakip ang mga suspect sa Barangay San Nicolas.
Nakuha naman sa bahay ni Barangay Tanod Managuelod ang M16 armalite rifle .
Mahaharap sa mga kasong grave threat at robbery ang mga suspect bukod pa sa hiwalay na kasong administratibo laban kay PLt. Noel Baccay at mahaharap din sa kasong administratibo si PEMSgt. Maggay.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Noel Baccay, inamin nito na kasama ng niya ang tatlong opisyal ng barangay nang magtungo himpilan ng pulisya.
Sinabi niya na balak lamang niyang matulog sa himpilan ng pulisya dahil may pinaiiral na Lockdown sa kanilang lugar.
Inamin din niya na uminon sila ng alak sa kusina ng kanilang himpilan ng pulisya ngunit nakatulog siya at hindi na alam ang mga sumunod na pangyayari.
Humingi naman siya ng paumanhin sa buong kapulisan at aminado siya sa nagawang kasalanan na magiging aral sa kanya.
Sinabi pa niya na nakahanda niyang tanggapin ang kaparusahang ipapataw laban sa kanya dahil sa kanyang ginawang paglabag bilang opisyal ng pulisya.





