--Ads--

Iniimbestigahan ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang ulat ng umano’y hacking at defacement sa website ng House of Representatives, na agad namang rumesponde upang maibalik ang operasyon at mapalakas pa ang cybersecurity ng gobyerno.

Ayon sa DICT, nakikipag-ugnayan na sila sa Kamara at sa iba pang law enforcement agencies upang imbestigahan ang insidente, matukoy ang lawak ng unauthorized access, at agad na maibalik sa normal ang mga naapektuhang sistema at serbisyo.

Agad ding pinagana ng ahensya ang kanilang incident response procedures na nakatuon sa containment ng insidente, restoration ng serbisyo, at masusing beripikasyon sa lawak ng posibleng pagpasok sa sistema.

Batay sa paunang pagsusuri ng DICT, wala umanong sensitibo o confidential na impormasyon na nakompromiso, at karamihan sa naapektuhan ay mga publicly available na pahina lamang. Gayunman, nilinaw nilang patuloy pa ang imbestigasyon upang makumpirma ang buong detalye.

--Ads--

Samantala, iniulat na pansamantalang na-deface ang website ng Kamara matapos ang umano’y cyberattack ng isang grupo na nag-ako ng responsibilidad at naglabas ng mga alegasyon laban sa pamahalaan.

Nagbabala naman ang DICT na maaaring maharap sa kaso sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 ang mga mapapatunayang nasa likod ng naturang hacking incident.

Una nang nakaranas ng kahalintulad na insidente ang website ng Senado, na kalaunan ay naibalik din sa normal na operasyon.