Namahagi na ng libreng SIM cards ang Department of Information and Communications Technology (DICT) Isabela sa anim na bayan at isang lungsod sa lalawigan bilang bahagi ng programang Department of Information and Communications Technology (DICT) Isabela, na layong tulungan ang mga estudyanteng walang sapat na access sa internet, lalo na sa mga liblib na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Bryan Tomas, System Analyst II ng DICT Isabela, kabilang sa mga nakatanggap ng libreng SIM cards ang mga bayan ng Echague, Alicia, Gamu, Jones, Benito Soliven, Dinapigue, at ang Lungsod ng Ilagan.
Prayoridad ng naturang programa ang mga estudyanteng nahihirapang makakonekta sa internet, partikular ang mga nag-aaral sa mga paaralang nasa malalayong barangay at lugar.
Ipinaliwanag ni Tomas na may 25 gigabytes ng internet data kada buwan ang bawat SIM card at may isang taong bisa ang naturang serbisyo. Aniya, itinuturing itong pilot program ng kanilang tanggapan upang masuri kung magiging epektibo ang paggamit ng libreng SIM cards sa edukasyon.
Dagdag pa niya, sa pagtatapos ng isang taon ay doon pa lamang malalaman kung ire-renew o dadagdagan pa ng panibagong taon ang naturang programa, depende sa magiging resulta at epekto nito sa mga benepisyaryo.
Samantala, target ng pamunuan ng DICT na makapagpamigay ng isang milyong SIM cards sa buong bansa bilang bahagi ng kanilang pagsusumikap na palawakin ang digital connectivity sa sektor ng edukasyon.
Ayon pa kay Engr. Tomas, malaking tulong ang programa sa mga estudyante para sa pagba-browse, pagse-search, at pagsasagawa ng mga online na proyekto at takdang-aralin.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang nasabing pamamahagi ng libreng sim cards sa iba’t-ibang bayan sa Isabela.











