Inilalapit ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region 2 ang digital skills training sa mga liblib na komunidad sa pamamagitan ng programang Digital Transformation Center On The Go.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Maria Kristine Valdez, Project Development Officer ng ICT Literacy and Competency Development Bureau ng DICT Region 2, sinabi niya na layunin nitong mabigyan ng hands-on training sa paggamit ng teknolohiya ang mga lugar na limitado ang access sa digital learning.
Pormal itong inilunsad sa Barangay Disimungal, Nagtipunan, Quirino, kung saan kabilang sa mga unang benepisyaryo ang mga miyembro ng Agta community.
Sinundan ito ng pagsasanay sa Barangay Binuangan, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, at sa Gappal High School at Manaoag Elementary School sa Forest Region, Cauayan City, Isabela.
Ayon kay Valdez, nakadepende sa pag-apruba ng Regional Office ang pagpili sa mga susunod na lugar na pupuntahan, batay sa pangangailangan ng mga komunidad sa teknolohiya at digital skills training.
Sa pamamagitan nito, mas maraming residente, kabilang ang mga katutubo at mag-aaral, ang nagkakaroon ng pagkakataong matuto at malinang ang kanilang kakayahan sa paggamit ng makabagong teknolohiya.








