--Ads--

Isasagawa ng Department of Information and Communications Technology o DICT Region 2 sa Setyembre 25 ang HackForGov 5, isang cybersecurity competition na layong hasain ang kakayahan ng mga kabataan sa pagharap sa mga banta sa cyberspace.

Lalahok sa kompetisyon ang mga college student mula sa iba’t ibang paaralan sa Region 2, kung saan susubukan ang kanilang kaalaman at kasanayan sa ethical hacking, network security at cyber threat response.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Biegh John Paul Alonzo, Information Officer II ng Philippine National Public Key Infrastructure o PNPKI at Cybersecurity Division ng DICT Region 2, sinabi niyang layunin ng kompetisyon na palakasin ang kaalaman ng mga estudyante sa cybersecurity, kabilang ang offensive at defensive cybersecurity.

Ayon kay Alonzo, binibigyan ng HackForGov 5 ang mga kalahok ng pagkakataong magkaroon ng aktuwal na karanasan sa paglutas ng iba’t ibang cybersecurity challenges.

--Ads--

Ang mga magwawagi sa regional competition ay magkakaroon ng pagkakataong kumatawan sa Cagayan Valley sa HackForGov Nationals sa Metro Manila.

Maaari rin umanong magkaroon ng pagkakataong kumatawan sa Pilipinas sa international cybersecurity competitions ang mga magtatampok sa national competition.

Bagama’t kumpleto na ang mga koponang lalahok sa kasalukuyang edisyon, hinikayat ni Alonzo ang iba pang mga paaralan at estudyante na paghandaan ang mga susunod na HackForGov competition dahil patuloy umanong itinataas ang antas ng mga hamon.

Samantala, nakumpleto na rin sa Region 2 ang PNPKI Registration Authority o RA Training na nakatuon sa pamamahala at pagmamatyag sa mga digital certificate ng mga personnel sa pamahalaan.

Nagpaalala naman si Alonzo sa publiko na maging mapagmatyag sa kanilang mga ginagawa online at laging mag-isip bago mag-click.