--Ads--

Pinaghahanda ng DILG Cauayan City ang mga barangay sa lungsod kaugnay ng pagpapatupad ng reprogrammed Seal of Good Local Governance for Barangays (SGLGB) upang higit pang mapalakas ang kalidad ng pamamahala at paghahatid ng serbisyo sa mga residente.

Bahagi ng paghahanda ang pagpapabatid sa mga opisyal ng barangay hinggil sa mga bagong pamantayan at kinakailangang tugunan sa kanilang mga programa at operasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Sonny Nonan ng Manaoag, Cauayan City, sinabi nitong mahalagang mapaghandaan ang bagong sistema upang matukoy ang mga aspeto ng pamamahala na kailangan pang pagbutihin.

Binigyang-diin niyang hindi lamang dapat nakatuon sa dokumentasyon ang mga barangay kundi higit sa aktuwal na pagpapatupad ng mga programang kapaki-pakinabang sa mga residente.

--Ads--

Mahalaga rin aniya ang maayos na koordinasyon ng mga opisyal at kawani upang matiyak na natutupad ang kanilang mga responsibilidad.

Kabilang sa mga posibleng hamon ang limitadong pondo, kakulangan sa kagamitan at dokumentasyon, gayundin ang pangangailangang palakasin ang kakayahan ng mga kawani.

Samantala, inaasahan ang patuloy na paggabay ng DILG upang matulungan ang mga barangay na matugunan ang mga bagong pamantayan at higit pang mapabuti ang kanilang pamamahala at serbisyo sa publiko.